Originally posted on February 8, 2013 on my wordpress blog.
Lampas alas dose ng madaling araw at pauwi na sana kami ng barkada ng mga oras na iyon ng may grupo ng mga taong pumukaw sa aking atensyon. Nagpaiwan ako at hindi ko na namalayang napangiti na pala ako bago ko pa sila makita ng malapitan. Wala si Kupido ng mga oras na iyon ngunit ramdam ko ang lakas ng panang tumagos sa aking puso. Hindi sila alagad ni Kupido ngunit taglay nila ang kakaibang pakiramdam kapag nakita mo sila ng malapitan. Magkagayunpaman, hayaan mo akong tawagin silang 21st Century Cupids.
Sa kanila ko lang kasi tuluyang naunawaan ang pagmamahal sa kapwa. Sa kanila ko naramdaman ang kakaibang pag-ibig. Sa kanila ko nalaman na pwede mo pa lang ibahagi sa iba ang pag-ibig na nakalaan na.
Hindi ko konkretong maipaliwanag ang bugso ng aking damdamin ng mga sandaling minamasdan ko sila. Batid ko lang ang pag-ibig. Ang kakaibang antas ng bilis at direksyon na nagmula sa kanila patungo sa pinakaubod ng aking puso. Dahil sa kanila, nabuhay ang matagal nang nakahimlay na pag-ibig sa aking puso. Doon ko namalayan na minamahal ko na pala ang aking sarili, ang aking pamilya, ang aking kaibigan at ang aking bayan.
Gusto kong umiyak. Gusto kong iparamdam sa kanila kung ano ang pinaramdam nila sa akin. Gusto ko silang yakapin. Gusto ko silang kausapin. Gusto ko silang tulungan. Gusto kong ibalik ang pagmamahal na idinulot nila sa akin.
Ayoko nang isturbuhin ang kanilang mahimbing na tulog kaya hindi ko na lang ginawa. Alam kong pagod na pagod sila sa buong araw nilang pangangalakal ng basura. Sapat na sa akin ang rason kung bakit nabaling ko sa kanila ang aking atensyon. Ang sandaling nakita ko ang kanilang hindi mapantayang ngiti; ang sandaling hinalikan ng ina ang kanyang anak bago niya patulugin, ang iba na nagiliwang kumanta kahit wala sa tono, ang iba na nauna nang matulog sa kanilang kariton gamit ang pinagtumpok-tumpok na diyaro, ang iba na nawili sa panunuod ng libreng pelikula mula sa pinalabas ng DVD vendor. Ngunit namumukot-tangi ang isang ama na hinalikan pagkatapos niyang punasan ang napulot niyang maliit na bibliya.
Nakapangingilabot sa pakiramdam na pwede pala tayong magkalat ng pag-ibig sa daan. At kapag kumalat ito, tatagos sa puso ng isa hanggang sa hindi na mapigilan. Hindi totoo si Kupido, pero kapag ikaw ang naging rason ng muling pagkabuhay ng pagmamahal sa isang tao, ang sarap tawaging kupido. Kaya nga hindi ako nagwalang-isip na tawagin silang 21st Century Cupids.
No comments:
Post a Comment