Kunwari totoo si Superman. Tapos, nakaharap mo siya at inalok ka niyang maging kapalit niya. Papayag ka ba?
Mahirap maging si Superman. Pero kung bibigyan ng pagkakataong maging siya, hindi ako magdadalawang-isip na tanggapin ito. Minsan ko nang inisip na ako si Superman; na ako ang tagapangtanggol ng mga naaapi. Ako ang tagapagligtas sa mga sanggol sa tuwing may sunog. Ako ang sumasalo sa mga nagpapakamatay mula sa mataas na gusali. Ako ang knight-in-a-shining-armor ng mga babaeng naho-hostage. Ako ang bantay ng sanlibutan. At dahil ako si Superman, nagsusuot ako ng kapa at brief na nasa labas; lumilipad, mas malakas, mabilis, at maabilidad. Hindi tinatablan ng bala. Kilala ako hindi bilang ordinaryong tao kundi bilang isang superhero.
Ito ang siklo ng buhay ni Superman. Perpekto na sana ngunit malayo sa katotohanan. Lumaki ako sa ganitong konsepto ng buhay. Ang mangarap ng isang bagay na kailanman ay hindi magkakatotoo. Sadyang malungkot isipin na may mga bagay talaga na hanggang sa pangarap na lang. Katulad ng buhay ni Superman, napakahirap tanggapin na hindi ito ang buhay na nakatadhana sa iyo. Makakatulong sana ako kung ako si Superman. Ngunit katulad din ng ibang superhero, hindi siya totoo.
Hindi ako pwedeng maging si Superman. Hindi dahil sa hindi ko gusto. Maliban sa hindi siya totoo, may mga bagay na sadyang hadlang sa pagiging katulad niya. Unang-una, hindi ako kasing-kisig, kasing-tangkad, at kasing-gwapo niya. Pangalawa, baka maging bago sa mata ng nakararami ang pagsuot ng brief na nasa labas. Nakakahiya. Ayoko. Pangatlo, medyo tanga akong tao. Baka sa paglipad ko, masabit ako sa mga kable ng kuryente. Imbes na maging si Superman ay maging si Thor o di naman kaya ay si Volta. Huwag na lang.
Maraming masasamang tao sa Pilipinas. Kung superhero lang naman ang pag-uusapan, magiging kawawa si Superman. Hindi niya kakayanin ang mga taong rapist, holdaper, magnanakaw, mamamatay-tao, drug pusher, at drug addict. Mahihirapan din siyang hulihin ang mga naglilipanang gang sa bansa tulad ng Salisi Gang, Akyat-Bahay Gang, True Brown Style 13 Gang, Bahala na Gang (Come What May), at Sigue Sigue Gang. At dahil lahat ng masasamang tao ay kalaban ni Superman, hindi biro ang makipaglaban at makipagtalo sa taong may ugaling amalayer, makasarili, kurakot , sinungaling, at tamad.
Hindi biro ang maging superhero. Hindi biro ang maging si Superman. Marahil isa ito sa mga rason ng Dios kung bakit ginawa tayong mga ordinaryong tao- simple at walang kapangyarihan. Mahirap tanggapin ngunit mas mahirap ang umasa. Hindi natin kailangang lumipad para tawaging superhero. Hindi natin kailangan ng superpower upang makatulong sa kapwa. Marahil hindi natin napapansin na sa simpleng tulong na inaabot natin sa kapwa ay superhero na ang turing ng mga taong natulungan natin. Ang totoong superhero ay hindi nasusukat sa superpower. Ang totoong superhero ay nasusukat sa pagiging totoong tao sa kanyang sarili at kapwa. Hindi man ako superhero, hindi man ako si Superman ngunit alam kong ako ay superhero sa paraang alam ko. Superhero ako sa aking mga magulang. Superhero ako sa aking kaibigan. Superhero ako ng bansang Pilipinas.

No comments:
Post a Comment